Ano ang kulay ng oktubre?
May nakapagsabi sa akin na mas maigi ang di pagbibigay ng diredirecho; hindi dahil masama ito, ngunit upang hindi mawalan ng halaga ang naiibibigay. Halimbawa, sa pagpapalaki ng isang bata, mas mabuti kung iyong lilimitahan ang pagaabot ng "reward" o gantimpala sa tuwing gagawa ng maganda ang bata. Dahil ang naghihintay na reward ang siyang magiging motibasyon nito; pag tumigil ang pagbibigay, tigil din ang paggawa. Ganon din daw sa regular na buhay ng tao.
Ideya ng "supply and demand" eka nga: pag mas kakarampot ang suplay, at malakas ang demand, mas magiging maganda ang balik ng tubo.
Ganyan ang usapang negosyante. Buhay, ginawa sa dynamiko ng negosyo. Sabagay, makatuwiran naman ang ganyang paghahalintulad.
Siguro nga, mas maganda kung lalayo na muna ako. Magpapa-miss, sabi nga nila. Ngunit, hindi ko rin lubusang masagot ang mga tanong sa sarili ko: gusto ko nga bang lumayo? mas mabuti nga ba ang mawala ako sa kanyang paningin? maiisip ba niya ako?
parang ang damot isipin na sarili ko na naman ang iniisip ko.
Sa totoo lang, hindi ko gustong lumayo. Bakit ako lalayo? e gayong masaya ako pag nariyan siya. Pero siguro, may bigat ang mawala muna ako sa karaniwang tanawin niya. yung hayaan ko muna siyang isipin na may ibang tampok ang buhay ko (meron nga ba?), at maisip niya ang tunay kong papel sa mundong ginagalawan niya.
Matagal ko nang naensayo sa isip ang mga gusto kong sabihin sa kanya:
"Ano ba talaga ako sa'yo? Hindi man lang ako matalik na kaibigan, pero hindi mo rin ako matawag na basta na lamang kaibigan. Ayaw mong isipin dahil takot ka ring malaman na malaki na ang parte ng buhay mong kasama ako; na hindi mo nalang ako maisasantabi ng ganun-ganon na lang. Pero naglalaro pa rin sa isip ko ang tanong, 'kaya ka lang ba ganito sa akin ay dahil may naidudulot ako sa'yo?' may kinaibahan ba ako sa mga manong na pumapalibot sa'yo na sa konting tingin at lambing ay umaamo, tumatakbong aso, upang 'tumulong?'
O nababagabag ka lang ba ng iyong konsyensya? naawa, di kaya? sabihan mo naman ako. para kahit papaano, alam ko kung saan ako lulugar, kung ano ang papel ko sa'yo. kasi ako, alam ko kung anong papel mo sa buhay ko, kasi mahal kita; mahalaga ka sa akin. Hindi man pansin sa akin na ipinaglalaban kita, gusto kong malaman mo na oo, ipinaglalaban kita. kasi gusto kita at mahal kita. Hindi lang ako yung tipo ng taong ipipilit ang sarili sa isang taong posibleng naawa at naguiguilty lang.
Gusto kitang yapusin, hagkan, halikan. Hindi ko lang magawa sa takot na baka ikasira ng ating samahan. Dahil kung ikukumpara sa lubid, parang ga-buhok na lang ang hawak ko. Oo, takot ako. Nanginginig at hindi ko alam kung anong gagawin ko sa'yo, at lalong hindi ko alam kung mapapatawad ko ang sarili ko sakaling mawala ka.
Ang hirap. Pero kung may isang hindi magbabago, yun ay ang pagmamahal ko. pinilit ko nang mawala, pero talagang hindi ko magawa. mahal kita, at maski sinong pontio pilato hindi kakayaning mabago.
Kaya patawarin mo ako kung gustuhin ko munang lumayo; sa dahilang kung hindi ako yung lalayo, baka tuluyan akong kainin ng sarili kong lungkot.
Sa tanong na "kung ano ang kulay ng Oktubre?" ito ang sagot:
Hindi wangis sa sawing dahon ng acacia
o pagbagsak ng sinag ng unti-unting nilalamong araw;
Hindi rin hambing sa naiwang dampi ng kape o tsaa,
ngunit marahil singtindi ng damdaming dulot ng pagdaloy nito
sa lalamunang uhaw at nanabik
sa magkahalong pait at tamis; ngatal at sidhi.
Ito marahil ang kulay:
matamis, at humahagod na tila pulot;
ngunit sabay na humihilab, at umaayuda
sa pinagsabay na galit ng paghampas ng bagyo
at banayad na halik ng simoy ng amihan.
Hindi kulay ng Oktubre, kundi ang kulay ng Oktubre
ang nagbibgay at nagkakait;
Ikaw ang siyang kulay, at siya ring pait."
To the question "what is the color of October?" this is the answer:
Not like the depressed leaves of the acacia
nor the waning of rays from the slowly devoured day;
Not even like the moist stain of coffee or tea,
but possibly as seething, the feeling borne from its flowing
toward a throat thirsty, and longing
for the mingling of bitter-sweet; bland intensity.
This is probably the color:
sweet, yet sweeping like honey;
but simultaneously contracting, and swaying
in the combined anger of the whipping storm
and gentle kiss of the sea breeze.
Not the color of October, but the color of October
that which gives and hinders;
You are the color, and also the splinters."
Labels: Private

0 Comments:
Post a Comment
<< Home